![]() |
Krimen Kayo Ang Humatol |
Sa panitikan madalas humiram ang kritiko ng pamantayang pansukat sa nilalaman ng pelikula. Sinusuri ang mga tauhan, ang diyalogo at mga ideya na pawang dulot ng iskrip. Sinusubaybayan ang pagbibigay-buhay sa tauhan sa pamamagitan ng mga aktor at aktres na pinili at pinamahalaan ng direktor. Hinahanap din ang kabuuan ng kahulugang pinalitaw ng direktor sa pamamagitan ng paggamit sa iba't-ibang sangkap na panteknika at pansining. May sinasabi ang Krimen hinggil sa tunggalian ng kasamaan at kabutihan, hinggil sa mga motibo ng taong nakikipag-ugnayan sa kanyang mga kapwa at hinggil sa relasyon ng reyalidad at sining. Sa pagsasalaysay sa buhay nina Angel (Leo Angelo), Toni (Gina Pareño), Myra (Marianne de la Riva), at ng magkapatid na Eddie (Eddie Villamayor) at Marie (Maribel Aunor), ipinasok ng iskriprayter at direktor ang problema ng mga ito kaugnay ng mga obserbasyon at katotohanan tungkol sa trahedya ng pang-araw-araw na buhay ng mga nasa pinakamababang uri sa kalunsuran. Sopistikado ang pagdidirehe ni Jun Raquiza at di-maikakailang may impluwensiya ng mga direktor sa Kanluran na kanyang hinangaan at pinag-aralan. Ang talino ng direktor na ito'y nasa kakayahan ng kanyang kamerang mag-ulat tungkol sa mga lumang katotohanan na tila baga ang mga iya'y katutuklas lamang. Matipid sa salitaan ang pelikula pagkat karaniwang pinagsunud-sunod na mga larawan lamang ang ginagamit ni Raquiza sa pagsasalayasay at pagpuna sa mga kabalighuan ng buhay. Matulin ang daloy ng mga pangyayari at sitwasyon, kaya't mariin ang dantay sa kamalayan dahil nasapol ng direktor ang kabuuan ng kanyang materyal at madaling maramdaman ang kababawan kapag manipis ang nilalaman.
Direksiyon: Jun Raquiza
Dulang Pampelikula: Jose F. Sibal At Jun Raquiza
Sinematograpiya: Higino Fallorina
Musika: Demet Velasquez
Editing: Ben Barcelon
Produksiyon: Ilocandia Productions, Inc.
Release Date: June 23, 1974