![]() |
Bakya Mo Neneng |
Sumunod man sa nakasanayan nang ugali sa paggawa ng pelikula ang Bakya Mo Neneng, ang pagtatahi ng mga papel ay sinadya para lumapat sa tinatawag na imahe ng mga artistang nagsuot nito. Susi dito ang masinsin at maningning na pagganap ni Nora Aunor bilang Neneng, na nagpamalas ng tatag ng kalooban, kahinahunan at pag-ibig sa lalaking kanyang minamahal. Malaking krimen kung sakaling pinagpalit ang mga papel nina Joseph Estrada at Tirso Cruz III. Sa paglabas pa lamang ng pangalan ni Gloria Sevilla, umaasa tayong papel ng isang ulirang ina ang kanyang gagampanan. Nauunawaan ng mga gumawa ng Bakya Mo Neneng kung ano ang inaasahan ng manonood nito. Kung ang pagsasagawa ng mga inobasyon sa pelikula ay nangangailangan ng matatag na kaalaman sa sining, ang paggawa ng mga pelikulang may mahigpit na mga alituntuning dapat sundin ay mangangailangan din ng ganoon katatag na kaalaman, kahit ito'y hindi matatawag na sining. Maari pang pagtalunan kung kailangan pa ng mga pelikulang tulad ng Bakya Mo Neneng, ngunit tila isang bagay lamang ang lumilitaw, na ang anumang pelikulang magtatangkang gumawa ng tulad nito ay wala nang marararting kundi ang kinatatayuan nito ngayon. Hangga't hindi nabibigyan ng mga makabagong kahulugan ang mga makalumang balangkas ng pagsasalaysay na ginamit ng Bakya Mo Neneng, mawawalan ng saysay ang lahat ng mga pelikulang tutulad dito. Nahuli ng pelikula ang lahat ng mga pulsong nagpapatakbo sa pangarap ng maraming Pilipino. Mula sa mga tanawing tulad ng pintura ni Fernando Amorsolo, may buhay ang bawat binlid ng palay, madarama ang hamog ng bulaklak at maririnig ang tilaok ng manok sa madaling-araw. Ang lahat ng ito ay gayumang humihila sa paa ng isang taga-Maynila na puntahan ang bukid para damahin ang buhay na ipininta ng artista. Ang mga gawain at damdaming ipinahihiwatig ay hindi naiiba sa mga ipinahihiwatig ng ating mga kundiman at ang sukatan ng nakamihasnang pangangatwirang luma at kupas na.
Direksiyon: Augusto Buenaventura
Dulang Pampelikula: Augusto Buenaventura At Diego C. Cagahastian
Sinematograpiya: Fredy Conde
Musika: Ernani Cuenco
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyo: Vicente Bonus
Produksiyon: JE Productions
Release Date: December 24, 1977