Quantcast
Channel: SARI-SARING SINENG PINOY
Viewing all articles
Browse latest Browse all 210

MAHINHIN VS MAHINHIN... Labanang Lalake?

$
0
0

Mahinhin vs Mahinhin
Ang Mahinhin vs Mahinhin (Sining Silangan, Inc.) ay pagpapatuloy ng kuwento ni Billy de Gracia (Dindo Fernando), isang homosekswal na nagpakalalaki at umibig kay Juana (Elizabeth Oropesa) sa naunang Si Malakas, Si Maganda At Si Mahinhin (1980). Tila biglang nagbago ang ihip ng hangin nang makita at makilala ni Billy si Archie (Edu Manzano), pag-aari ni Peter Ferias (Ronaldo Valdez), isang pamoso at milyonaryong homosekswal. Inalok ng tulong si Billy si Archie ngunit sa simula, hindi niya ipinakilala ang tunay na pagkatao, sa halip ay nagpanggap siyang babae. Di nagtagal ay napag-alaman ni Peter na si Billy ang nag-aalaga kay Archie. Dahil kapwa may pagnanasa, napagkasunduan ng dalawang paghatian ang lalake. Ang mga sumunod na tagpo ay nakatutuwang paglalaban nina Billy at Peter sa atensiyon ni Archie. Malakas ang loob ni Zialcita sa pagtalakay ng problemang homosekswalidad. Ang kalakasan ng loob na ito'y makikita sa hantarang paglalantad ng kanyang mga tauhan lalo na kay Peter. Dalawang magkaibang uri ng homosekswal ang ipinakita sa Mahinhin vs Mahinhin. Dahil dito, naging mabagal ang unang bahagi ng pelikula. Sa unang eksena ni Billy sa piitan, batid na kung ano ang nasa isipan at damdamin nito. Dahil sumobra ang lakas ng loob ni Zialcita, o marahil nais niyang ipagdiinan ang kanyang paksa na malinaw nang nailahad, sinundan pa ito ng ilang eksenang pinaglalabanan ni Billy ang kanyang sekswalidad bago tumakbo ng mabilis-bilis ang pelikula.

Ang kahirapan sa pagtalakay ng paksang homoseksuwalidad ay ang tuksong turuan ang manonood, kaya ginamit ni Zialcita ang sangkap ng komedya upang ihayag ang mensaheng nais niyang ipahatid. Ang kahusayan ng Mahinhin vs Mahinhin ay hindi ang lakas ng loob ni Zialcita sa pagsasalarawan ng homosekswalidad. Ang kahusayan ay ang pagkakaganap ng dalawang artista at ang pagkakadirehe sa dalawang ito. Bawat isa ay may kani-kaniyang maipagmamalaking mga eksena. Napatunayan ni Dindo Fernando na hindi siya nangungupas, ang kanyang pagkakaganap sa papel ni Billy de Gracia ay kontrolado sa kabuuan ng pelikula. Si Ronaldo Valdez bilang Peter Ferias ay nakakapanibago, ibang-iba ang kanyang pagkakaganap kung ikukumpara sa marami niyang pelikulang patakbuhin. Mahusay ang pagkakadirehe ng ilang eksena sa kalahatian ng pelikula. Nang magtagpo sa isang restaurantsina Billy at Peter, mabilis na ang takbo ng pelikula lalo na ang diyalogo. Moderno ang lengguwahe ng mga tauhan na lubhang nakakaaliw. Tunay na nagingibabaw ang diyalogo sa mga obrang likha ni Zialcita. Ang bahaging teknikal ay maipagmamalaki rin. Maayos ang editing, samantalang makakapasa na ang sinematograpiya ni Felizardo Bailen bagamat malaki ang kakulangan sa pag-iilaw. Malaki ang pagbabago ng kulay, ngunit hindi pa rin ito kahusayan dahil nga sa kakulangan ng pag-iilaw at disenyo, ang kulay ng kasuotan at set ay tila gumagalaw na postcard. May mabubuti at mahihinang katangian ang Mahinhin vs Mahinhin. Sinubok ng pelikulang isalarawan ang pag-unawa sa pagtalakay ng paksang homosekswalidad at patuloy na lumilikha ng signipikasyong nauukol dito ngunit patuloy na nagbubukas ng landas upang makita ang kabuluhan nito sa mga aninong gumagalaw sa puting tabing.

Direksiyon: Danny L. Zialcita
Dulang Pampelikula: Danny L. Zialcita At Toto Belano
Sinematograpiya: Felizardo Bailen
Musika: Demet Velasquez
Editing: Ike Jarlego, Sr.
Disenyo: Peter Perlas
Produksiyon: Sining Silangan, Inc.
Release Date: May 14, 1981

Para kay Danny L. Zialcita Nobyembre 24, 1939 - Marso 10, 2013



Viewing all articles
Browse latest Browse all 210

Trending Articles


SUCs binalaan ni Bam vs paniningil ng miscellaneous fees


Dalumat ng Pagkataong Pilipino


2 kelot huli sa sex act sa CR ng bar


Biktima ng salvage, itinapon sa damuhan


Shintaro Valdez, asawa na ni Ms. Annette Gozon!


Mga kasabihan at paliwanag


ORASYON PAMBUNOT NG NGIPIN


SINDIKATO


NAGTATAMPISAW


Estudyante malubha sa pagtulong sa kaibigan